Sa ikalawang anibersaryo ng weekly drama anthology na "Tadhana," itatampok ang kaso ng serial killing sa Cyprus kung saan ilang Pinay ang kasamang nabiktima.

Pinamagatang "Serial Killer," ang unang bahagi ay tungkol sa mapait na kuwento ng tatlong Pinay na kabilang sa mga naging biktima ng sinasabing suspek sa Cyprus na dating miyembro ng militar.

BASAHIN: Cyprus 'serial killings' spark horror, anger at police

Pagbibidahan ito nina Benjamin Alves, Juancho Trivino, Rhian Ramos, Diva Montelaba, Analyn Barro at Lara Morena.

Samantala, pangungunahan naman ni Lovi Poe ang ikalawang "Tadhana" story na "CEO Maid."

Tungkol ito sa nakaaantig na istorya ni Myrna, isang dating maninisid ng lato sa Bohol na na-recruit sa abroad bilang isang entertainer. Kalauna'y magiging biktima pala siya ng human trafficking.

Pero malalampasan niya ang pagsubok  at magiging domestic helper sa Hong Kong, kung saan makakahanap siya ng mabuting employer at magtuturo sa kaniya sa paggamit ng computer.

Dahil sa kaniyang pagsisikap, nakabalik siya sa Pilipinas at naging CEO ng kaniyang BPO company.

Nagbabalik si Marian Rivera bilang host ng "Tadhana," matapos na magbakasyon dahil sa kaniyang pagbubuntis noon kay baby Ziggy.

Mapapanood ang "Tadhana: Second Anniversary Specials" sa buwan ng Setyembre tuwing Sabado ng 3:15 p.m. --FRJ, GMA News