Isang Pinay sa Dubai, United Arab Emirates na nagpamalas ng katapatan dahil sa pagsasauli ng pera ang sinorpresa ng mga pulis sa mismong coffee shop na kaniyang pinagtatrabahuhan.



Sa ulat ng GMA News Tv "Balitanghali" nitong Miyerkoles, sinabing isinauli ni  Mae Anne Olmidillo, nagsisilbing barista sa coffee shop, ang naiwang pera ng isang customer na nagkakahalaga ng halos P3 milyong piso.

Dahil sa kaniyang ginawa, personal siyang pinuntahan ng Deputy Director ng Dubai Police station sa coffee shop at iniabot sa kaniya ang sertipikasyon ng pasasalamat.

Ang ipinamalas na katapatan ni Olmidillo ay pasok sa programa ng Dubai police na “We Reach You to Thank You.”

Sa isang video, sinabi ng OFW na hindi pumasok sa isip niya na pag-interesan ang nakita niyang pera.

“When I found the money, hindi po ako nagdalawang isip na ibalik yung pera sa nagma-may-ari. Hindi po akin yun at alam kong may return si God para sa akin. Maraming salamat po,” saad niya.--FRJ, GMA News