Bangkay na nang makita ang dalawa sa tatlong Pinoy na nawawala nang bumagsak ang isang tulay sa Taiwan, ayon sa Manila Economic and Cultural Office (MECO).

“Dalawa na yung nakita. Yung isa, hatinggabi kagabi nang ma-retrieve ang katawan. Kanina na-identify. Yung isa naman, dakong alas kuwatro na ng umaga,” sabi ni MICO chair Lito Banayo sa panayam ng Dobol B sa News TV nitong Miyerkules.

"So dalawa na yung na-identify. May isa pang hinahanap,” dagdag ni Banayo.

Anim katao, kabilang ang tatlong Pinoy ang iniulat na nawawala matapos na bumagsak ang tulay at mahagip ang bangkang pangisda ng mga biktima.

Hindi pa matukoy ng mga awtoridad sa Taiwan ang dahilan ng pagbagsak ng tulay na dinadaanan ng mga sasakyan. 

Pero bago ang insidente, binayo ng malakas na bagyong Mitag ang Taiwan.

Hindi muna binanggit ni Banayo ang pangalan ng mga biktima pero naabisuhan na umano ang mga kamag-anak nito sa Pilipinas.

Tiniyak naman ng opisyal na tutulong sila para maiuwi sa Pilipinas ang mga labi ng mga biktima.

Bukod sa pamahalaan ng Pilipinas, sinabi ni Banayo na mayroon ding mga Taiwanese na nagpaabot ng tulong para sa pamilya ng mga biktima. —FRJ, GMA News