Patay ang dalawang Filipino sa aksidente sasakyan sa Palau Islands noong nakaraang linggo, ayon sa Department of Foreign Affairs nitong Huwebes.

Batay sa ulat ng Philippine Consulate General sa Guam (na nangangalaga sa mga Pinoy sa Palau Islands) tatlong Filipino ang sangkot sa aksidente ng isang flatbed truck na nawalan ng kontrol at nahulog sa dagat noong ika-29 ng Setyembre.

Namatay ang dalawa sa tatlong mga Pinoy at nakaligtas naman ang isa.

Hindi pa nakapagbigay ng karagdagang detalye sa aksidente ang DFA, ngunit sinabi nitong nakipag-ugnayan na ang mga tauhan ng  Philippine Consulate General sa Guam sa mga awtoridad sa Palau upang agad na madala sa Pilipinas ang mga labi ng mga biktima.

"Based on initial investigation, Palau authorities do not believe there was foul play involved during the accident," ayon sa DFA.

Sasagutin naman umano ng employer ang gastos sa pagpapauwi ng mga labi ng dalawa, dagdag ng DFA.

Magbibigay naman umano ang konsulada ng Pilipinas ng tulong sa Pinoy na nakaligtas sa aksidente. —LBG, GMA News