Sinalakay ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation ang isang medical and diagnostic center sa Ermita, Maynila na nag-i-issue umano ng mga pekeng medical certificate sa mga gustong magtrabaho sa abroad.



Sa ulat ni John Consulta sa GMA news "24 Oras" nitong Martes, sinabing armado ng search warrant ang mga tauhan ng Intellectual Property Rights Division ng NBI nang salakayin nila ang Heartwell Medical and Diagnostic Center.

Inaresto ang ilang tauhan at opisyal ng establisimyento, habang kumpiskado naman ang mga dokumentong ini-issue ng clinic sa kanilang mga kliyente.

Ayon sa NBI, mga aplikanteng nais nag-abroad na kumukuha ng medical certificate ang karamihan sa mga kliyente ng klinika.

Pero bukod sa hindi umano lisensyado ang technician ang nagsasagawa ng ultrasound procedure,  hindi rin daw nakarehistro sa Professional Regulation Commission (PRC)  ang taong nakapirma sa mga dokumento bilang sonologist at radiologist.

Bukod dito, non-existent umano ang duktor na nakalagay sa mga dokumento dahil ang technician lang ng clinic ang siyang pumipirma para sa kunwaring duktor, ayon kay Glenn Ricarte, hepe ng NBI-IPRD.

Itinanggi naman ni Dr. Revien dela Cruz, medical director ng clinic ang mga paratang.

Bukod sa pag-amin ng technician ng clinic na si Joel EspaƱol, na siya ang pumipirma para sa isang bogus na doktor,  inamin din niya na siya rin ang nag-ooperate ng ultrasound machine kahit undergraduate siya.

Ayon kay Dr. Benigno Santi, pangulo ng Ultrasound Society of the Philippines, na siyang nagreklamo sa NBI,  lubhang delikado ang ginagawang illegal practice ng naturang clinic.

Paliwanag niya, kapag hindi tama ang resulta ng mga pagsusuri, kawawa ang mga OFW at tiyak na magkakaproblema umano kapag natuklasan na may problema sila sa kalusugan pagdating nila sa ibang bansa.

Mahaharap ang mga inaresto sa reklamong estafa, paglabag sa  medical act, at falsification of medical records.-- FRJ, GMA News