Isang Pinay nurse ang inaresto ng mga awtoridad sa California, USA sa reklamong trespassing at tangkang pagdukot sa isang bata. Pero giit ng kaniyang mga kaanak, mayroon siyang problema sa pag-iisip.

Sa ulat ng GMA news "Unang Balita" nitong Miyerkules, sinabi ng Vacaville police na nagpanggap na guro ang Pinay nurse sa isang eskuwelahan at kinuha ang isang apat na taong gulang bata na paulit-ulit daw nitong tinatawag na "Brian."

Nabawi naman ang bata. Pero sa isa pang hiwalay na insidente, tinangka naman daw ng Pinay na buksan ang isang kotse na may sakay na bata.

Naaresto ang suspek kinalaunan sa kaniyang bahay, na ayon sa kaniyang dating asawa ay mayroon itong problema sa pag-iisip.

Posible raw na hinahanap nito ang anak na nagngangalang "Brian" kaya nagtatangka itong kunin ang mga bata.

Hiniling ng kaniyang pamilya sa mga awtoridad na maipasuri ang Pinay sa propesyonal kaugnay sa estado ng pag-iisip nito.

Nahaharap sa ngayon sa reklamong kidnapping at trespassing ang suspek. — FRJ, GMA News