Pinaalalahanan ng Department of Labor and Employment ang publiko laban sa mga nag-aalok ng trabaho sa loob at labas ng bansa na makikita sa Facebook.

Sa isang pahayag ng DOLE, sinabing ginawa nila ang paalala matapos makatanggap ng impormasyon ang Information and Publication Service (IPS) tungkol sa nangyaring panloloko sa isang nagngangalang "Mary," na naghahanap ng trabaho.

Ayon kay May, may nakausap siyang nagpakilalang kawani ng DOLE matapos siyang makakuha ng detalye ng mga bakanteng trabaho na maaaring aplayan sa iba't ibang bansa sa FB page na "DOLE Job Assistance-Local and Abroad."

Kabilang umano sa mga puwedeng aplayan ay mga trabahong nurse, caregiver, manager, restaurant staff, at iba pa para sa Canada, Australia, Singapore, London, at maging sa Calabarzon at Mimaropa.

READ:  Trabahong bubuksan ng Canada para sa mga Pinoy, aabot umano ang sahod mula P80k hanggang P300k

Mayroon pa umanong official logo ng DOLE ang FB page, at mga larawan ng training, at ni dating Labor Secretary Rosalinda Baldoz.

Hiningan umano si Mary ng nagpakilalang kawani ng DOLE ng P1,000 bilang reservation fee na ipinadala niya sa papagitan ng money transfer. Pero nang magtungo na siya sa DOLE Central Office sa Intramuros, Manila, doon niya natuklasan na peke ang kaniyang kausap at ang FB page.

Nakipag-ugnayan na umano ang DOLE-IPS sa pamunuan ng Facebook para matanggal ang naturang pekeng FB page.

Hindi ito ang unang pagkakataon na may gumamit umano ng mga larawan ng DOLE at Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa mga pekeng FB page para magamit sa katiwalian.

Paalala ng DOLE sa mga naghahanap ng trabaho, sa lehitimong website ng kanilang ahensiya (www.dole.gov.ph), PhilJobNet (www.philjobnet.gov.ph" at POEA (www.poea.gov.ph) humanap ng trabaho.--FRJ, GMA News