Duda ang mga kaanak ng isang overseas Filipino worker sa Abu Dhabi na nagpakamatay ang biktima sa pamamagitan ng pagtalon mula sa ika-13 palapag ng isang gusali. Bago raw kasi mangyari ang trahediya, nagsumbong na raw ang Pinay na minamaltrato siya ng among Moroccan at nagpapasaklolo na siya.

Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ng anak ng nasawing si Mary Jean Alberto, ang mga huling text message ng ina bago ito sinasabing nagpakamatay noong Oktubre 2.

“Mas gusto ko pang makulong kesa ganito,” saad sa isang mensahe ng biktima sa anak.

Isang araw bago naman maganap ang trahediya, nakiusap pa raw ang biktima sa kapatid nitong OFW rin sa Abu Dhabi na si Marie na sunduin na siya sa bahay ng amo.

“Te puntahan niyo na ko ni Jeng-Jeng dito. Muntik na akong sakalin ni madam. Pinagbibintangan niya na ako kay Hamood,” pakiusap ni Jean.  “Pa-pulis niyo na ako.”

Matapos nito, hindi na raw nakausap ng mga kaanak ang biktima hanggang sa nabalitang tumalon daw ito sa gusaling pinagtatrabahuhan.

Tumawag naman ang isang anak ni Jean na OFW din sa amo ng ina at ito raw ang nagbalita sa nangyari sa biktima.

Pero hindi sila naniniwala sa kuwento ng amo na natutulog ito nang mangyari ang insidente.

"Ang sabi ng madam niya natutulog ako tapos may narinig na lang akong kalabog.  Tapos pagkagising ko [madam] nung tumayo ako may mga pulis na sa baba. Parang imposible naman na nasa 13 floor sila maririnig niya yun kalabog sa baba," sabi ng anak.

Kuwento pa nila, nagsusumbong ang kanilang ina na hindi raw ito pinapakain ng amo at halos hindi na pinapatulog sa dami ng trabaho.

Balak na rin daw nitong umuwi na lang ng ina para makasama ang anak sa Pilipinas.

Inirereklamo rin ng pamilya ng biktima na tila hindi raw inalam ng gobyerno ng Pilipinas ang kalagayan ng kanilang ina nang una nilang ipaalam ang sitwasyon nito.

"Hindi nila inaano yung hustisya para sa min. Inaano lang nila yung maiuwi si mama agad dito. Masakit sa min 'yon na siyempre sino pa bang lalapitan, sila na lang din dahil nga ibang bansa 'yon," hinaing ng anak.

Patuloy pa umanong iniimbestigahan ng mga awtoridad sa Abu Dhabi ang kaso ng biktima.

Nanawagan din sa gobyerno ang grupong Migrante International para sa patas na imbestigasyon sa pagkamatay ni Mary Jean.

Samantala, sinisikap pa ng GMA News na makuha ang pahayag
ang Department of Foreign Affairs tungkol sa kaso ng OFW.-- FRJ, GMA News