Umabot sa $22 bilyon ang padalang remittance ng overseas Filipino workers (OFWs) sa unang walong buwan ng taon. Mas mataas ito sa $21.2 bilyon na naitala sa katulad na panahon noong 2018, batay sa datos Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP).

Sa datos ng BSP, sinabi ni Sam Nielsen ng Super Radyo dzBB nitong Miyerkules na 3.6 percent ang naitalang pag-angat ng remittances.

Sa naturang $22B remittances mula Enero hanggang Agosto ng 2019, $16.8B nito ay mula sa land-based OFWs na higit isang taon ang kontrata sa abroad at $4.7B naman mula sa short-term contracts.

Ang pinakamalaking bahagi umano ng remittance ay mula sa mga OFW na nasa US, st sinundan ng mga nasa Saudi Arabia, Singapore, United Arab Emirates, UK, Japan, Canada, Hong Kong, Germany, at Kuwait. — FRJ, GMA News