Nagbabala ang Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Tokyo sa mga Filipino sa Japan tungkol sa mabigat na parusang naghihintay sa mga dayuhang lumalabag sa Immigration and Refugee Control Act ng naturang bansa. 

Ang babala ay ginawa ni POEA Administrator Bernard Olalia, matapos silang makatanggap ng mga impormasyon na may mga Pinoy sa Japan na pumapasok sa mga trabaho na iba sa nakasaad sa kanilang kontrata, permit o higit sa limitasyon na nakasaad  sa kanilang visa.

Sa isang pahayag, sinabi umano ni Labor Attache Marie Rose Escalada, na mayroong mga may hawak ng engineering/ humanities/international services visa na pumapasok doon bilang laborers, factory workers, machine operators o kitchen helpers.

May iba naman na nagtungo sa Japan bilang guro pero naging babysitters o yaya sa eskwelahan o kasambahay ng kanilang employer.

Mayroon din umanong mga Pinoy na may visa bilang interpreter pero naging care worker ng mga may kapansanan at nakatatanda.

Mga mga nagtatrabaho rin umano bilang hotel cleaner at kitchen staff, samantalang nakarating sila doon para sana maging sales representatives. May mga nabisto rin umano na kinuha bilang mga kasambahay sa ilalim ng special program for domestic work sa National Strategic Zones o performing artists pero nagtrabaho sa mga club.

Ayon kay Olalia, bukod sa pagkakadetine bago ma-deport,  ang mga mahuhuling lumalabag sa batas ng Japan ay maaari ding makulong at hindi na muling papayagang bumalik sa naturang bansa depende sa bigat ng kanilang kasalanan.

Paalala ng opisyal, tanging sa mga lisensiyadong recruitment agency lang makipag-ugnayan ang mga Pinoy na nais magtrabaho sa Japan.

β€œFor their own protection, applicants for overseas jobs should have the appropriate work permit or visa or employment contract approved by the Philippine Overseas Labor Office (POLO) and processed by the POEA before leaving the country,” anang opisyal.-- FRJ, GMA News