Ginawaran ng honorary degree ng University of the Philippines si White House Executive Chef Cristeta Comerford.

Tinanggap ni Comerford ang Doctor of Humane Letters Honoris Causa.

Pinangunahan nina UP Board of Regents chair Prospero De Vera at UP President Danilo Concepcion ang pagbibigay kay Comerford ng honorary degree. Sinaksihan ito ng mga kaanak at kaibigan ni Comerford.

Bago mag migrate pa-Amerika ang kanyang pamilya, nag-aral ng BS Food Technology si Comerford sa UP Diliman.

Sa kanyang talumpati, binalikan ni Comerford ang kanyang kabataan dito sa Pilipinas at kung paano nito binuo ang kanyang pagkatao.

Sa mga bakasyon sa San Rafael, Bulacan, kasama ang kanyang lola raw nabuhay ang kanyang pagmamahal sa pagluluto. Ang kanyang mga mahal sa buhay raw ang kanyang greatest influencers.

Binalikan rin ni Comerford ang kanyang pag-aaral noon sa UP. Natutunan daw niya dito na ang pagpupursige ang susi sa tagumpay.

Malaki rin daw ang naging suporta sa kanya ng filipino community sa amerika na naging lakas nya para magtagumpay doon. Hindi raw inakala na maabot nya ang posisyon ngayon.

Si Comerford ang kauna unahang babae, Filipino, Asian at minority na executive chef sa White House. Tungkulin niya ang alagaan ang pangulo ng Amerika at First Family. 

Labing apat na taon na siyang executive chef ng White House. Hamon niya sa mga estudyante ng UP, magpursige pa at patuloy na mahalin ang bansa. —KBK, GMA News