Nag-aalok ng trabaho ang mga bansang Saudi Arabia, Israel at Germany para sa libo-libong nurse at caregiver, kung saan maaari silang kumita ng mahigit P50,000 kada buwan.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing nangangailangan ang Ministry of Health ng Saudi Arabia ng 1,500 babaeng nurses para sa kanilang mga government hospital.

Maaari silang sumahod ng mahigit 4,000 Saudi Riyal kada buwan o mahigit P50,000, kasama pa ang mahigit P4,000 salary increase kada taon.

Kailangang graduate ng B.S. Nursing at may PRC license ang aplikante, at may kahit isang taong work experience bilang nurse.

Walang babayarang placement fee at sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) lang mag a-apply dahil government to government ito.

Bago ang interview, kailangan munang magpa-register online sa POEA website.

"Government institutions ito at saka 'pag ganitong mga professional workers 'yung ating pinapadala hindi sila vulnerable kagaya ng HSW," sabi ni Admin Bernard Olalia ng POEA.

Isa si Nur-Aisha Hadjirul sa mga nag-aapply bilang nurse sa Saudi Arabia, na may pangarap na mapagtapos ng kolehiyo ang mga kapatid.

Pero dahil sa liit ng sahod ng mga nurse sa Pilipinas, kailangan daw niyang mag-abroad.

“Minsan 'yung ibang mga private naman mga 10 plus 'yung [sahod] eh hindi naman kasya sa [gastusin]. Mahal na 'yung mga bilihin kaya kailangan mo talaga na mag abroad," sabi ni Nur-ashia.

Kailangan din ang Israel ng mga caregiver na magbibigay ng sahod na puwedeng umabot sa mahigit P70,000 kada buwan, ayon pa sa POEA.

Inaasahan nang magkakaron ng job orders at pormal na kasunduan sa unang bahagi sa susunod na taon.
Height at weight requirements sa caregivers sa Israel

Pero ngayon pa lang, naglabas na ang Israel ng mga qualifications para sa mga mag-aapply, kabilang ang height at weight requirements.

Requirement din na dapat hindi pa nakakapagtrabaho sa Israel at kayang makipag-usap sa wikang Ingles.

"Malalaki kasi 'yung mga pasyente sa Israel, kawawa naman 'yung mga kababayan natin kung 'yung papadala natin duon 'yung maliliit ang frame," ayon pa kay Olalia.

Sa susunod na taon, kakailanganin din ng Germany ang abot sa 1,000 Pinoy nurses.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News