Muling nagbabala sa publiko ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) laban sa email scam na nag-aalok kunwari ng mga trabaho sa ibang bansa kapalit ng paghingi ng pera.

Sa isang pahayag ng POEA na makikita sa kanilang website, pinayuhan nila ang publiko na huwag pansinin ang mga matatanggap na email na nag-aalok ng trabaho sa ibang bansa tulad ng Ireland, Poland, United Kingdom, Canada, America at iba pa.

Ang paalala ay ginawa ng POEA matapos silang makatanggap ng impormasyon tungkol sa ipinadalang email na nag-aalok ng kunwari ng trabaho sa Dublin, Ireland, na nakumpirma nilang scam o panloloko.

Ang modus, pinapangakuan ng magandang trabaho ang kanilang bibiktimahin na may malaking sahod  at kung anu-ano pang benepisyo na mahirap umanong paniwalaan.

Kapalit umano nito ay uutusan nila ang kanilang bibiktimahin na bisitahin ang kanilang website kung saan nakasaad na dapat silang kumuha ng ‘European Employment Package Processing’ na nagkakahalaga ng 27 euros o halos ng P1,500. Gagamitin umano ang pera para sa ‘motivation/cover letter, curriculum vitae, diploma, application form for work permit/visa at medical card.

Pero maliban doon,  dapat din umanong magbayad ang aplikante ng P1,200 para sa courier service, P16,000 para sa Schengen Visa extension Service at P20,000 para European Union Work Permit.

Ipapa-deposito nila ang pera sa account ng kanila umanong "trade agent" sa isang bangko.

Paalala ng POEA, ang mga matatanggap na alok na trabaho sa pamamagitan ng e-mail o mensahe sa social media na humihingi pambayad para sa seminar, documentation, at processing ng visa at iba pang travel documents ay senyales umano na "scam" o panloloko ang pakay.

Ang mga matatanggap umano ng ganitong modus o may mga katanungan ay maaaring makipag-ugnayan sa POEA sa pamamagitan ng kanilang verification system sa poea.gov.ph, hotlines 8221144 at 87221155, at POEA mobile phone application na mada-download sa Google Play o App Store. --FRJ, GMA News