Nasagip sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang 34 na babae na pinaniniwalaang biktima ng illegal recruiter para gawing kasambahay sa Saudi Arabia.

Sa pahayag ng Bureau of Immigration nitong Huwebes, sinabing nasa edad 20 hanggang 30 ang mga babae na papunta na sanang Riyadh nang masagip sila sa NAIA noong Sabado.

Pinigilan umanong makaalis ang mga biktima matapos mapansin ng immigration officers ang "glaring discrepancies" at "irregularities" sa kanilang mga travel document.

Sa visa ng mga biktima, nakasaad na kinuha sila bilang household service workers pero ang nakalagay sa kanilang overseas employment certificates (OEC) at job contract ay magtatrabaho silang mga tagalinis sa isang kompanya.

"Discrepancies like this are not allowed, especially when the actual work is in households rather that in companies, which puts our workers in greater risk," sabi ni Ma. Timotea Bariza, hepe ng travel control and enforcement unit ng BI.

Pinagdududahan din ng BI ang hawak na OEC ng mga biktima.

Dalawa sa mga babae ang natuklasan na dati nang pinagbawalan na lumabas ng bansa.

Inilipat ang pangangalaga sa mga nasagip na babae sa Inter-Agency Council Against Trafficking para tulungan sila at makakuha pa ng ibang impormasyon.— FRJ, GMA News