Mahigit 578,000 deactivated overseas voters,  hinikayat ng DFA na magparehistro
Inihayag ng Department of Foreign Affairs-Overseas Voting Secretariat (DFA-OVS) na umabot sa 578,185 overseas voters ang inalis ng Commission on Elections (COMELEC) sa listahan ng mga botante matapos hindi makilahok sa nagdaang 2016 at 2019 National and Local Elections.

Sa isang pahayag, hinikayat ng DFA ang mga naturang botante na na-deactivate na muling magparehistro para makaboto sila sa susunod na pambansang halalan sa 2022 Presidential Elections.

Hinikayat din ang mga overseas Filipino workers (OFWs), at maging ang mga immigrants, seafarers, at estudyanteng mag-a-abroad, at hindi pa nakapagpaparehistro bilang Overseas Voters, na magpatala mula December 16, 2019 hanggang  September 30, 2021 sa mga sumusunod na lugar:

• Sa anumang Philippine Embassy, Consulate General, Mission, o Manila Economic at Cultural Office (MECO)
• Overseas Voter Registration Centers designated by COMELEC

Ang mga mangingibang bansa umano simula sa April 09 hanggang May 09, 2022 sa panahon ng overseas voting period para sa 2022 Presidential Elections, at nasa hustong edad (18-anyos) pagsapit ng Mayo 09, 2022, at hindi pinagbabawalan ng batas ng bumoto, ay maaaring magpatala bilang overseas voter sa mga nabanggit na lugar.

Sa isang abiso ng Comelec, nakasaad na maaaring magparehistro ang mga hindi pa nakatalang overseas voters sa mga sumusunod na lugar:

- Commission on Elections – Office for Overseas Voting Intramuros, Manila
- Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Intramuros, Manila
- Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Ortigas, Mandaluyong City
- Maritime Industry Authority (Marina) Manila
- Commission on Filipinos Overseas (CFO) Manila
- DFA – Office of Consular Affairs, Aseana
- DFA– Office of Consular Affairs, SM Manila
- DFA– Office of Consular Affairs, Alabang
- DFA- Office of Consular Affairs, Robinsons Galleria --FRJ, GMA News