Nailigtas sa Palawan ang 52 kababaihan na biktima umano ng human trafficking at planong ipadala sa Dubai at Taiwan bilang mga manggagawa.

Sa ulat ng GMA News Tv "Quick Response Team" nitong Lunes, sinabi ng National Bureau of Investigation sa Palawan, na inabangan nila sa Puerto Princesa International Airport ang mga babae na galing pa raw sa iba't ibang probinsya.

May hawak umanong tourist visa ang ilang biktima pero karamihan sa kanila ay ilegal ang pagbiyahe. Ang isa s mga biktima na mula sa Zambales,  na-recruit daw para magtrabaho abroad para tourist visa rin ang hawak.

Pero hindi naman niya masabi kung sino ang nag-recruit sa kaniya at kung anong trabaho ang kaniyang papasukan.

Patuloy ang imbestigasyon ng NBI-Palawan pero tukoy na raw nila kung sino ang recruiter ng mga biktima.

Samantala, tiniyak naman na tutulungan ng Department of Social Welfare and Development para makauwi sa kani-kanilang lalawigan.--FRJ, GMA News