Isang mobile application na nakatakdang ilunsad ng embahada ng Pilipinas sa Spain para mapadali ang pakikipagtransaksiyon sa kanila ng mga Filipino na nandoon, at makatulong din sa mga turistang Pinoy.

Sa ulat ni Connie Sison sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Martes, sinabi ni Ambassador Phillippe Lhuillier, na plano nilang mailunsad bago matapos ang 2019 ang mobile phone application na tinawag niyang e-Filipinas.

Itinuturing ni Lhuillier  na "pocket embassy" ang naturang application dahil magkakaroon umano ng access ang mga Pinoy sa embahada ng Pilipinas saan mang lugar sila sa Espanya nandoon.

Kauna-unahan daw ang itong app sa Philippine Foreign Service at madali lang gamitin kapag na i- download na sa cellphone.

Makikita sa app ang iba’t ibang serbisyo at impormasyon sa embahada para sa mga Pinoy na naninirahan at nagtatrabaho sa Spain, at pati na sa mga Pinoy na turista.

Nakalagay sa app ang mga contact information ng embahada ng Pilipinas, mga emergency information ng gobyerno ng Espanya, may OFW corner para diretsong makaugnayan ng manggagawa ang mga kinatawan ng Philippine Overseas Labor Office o POLO at Overseas Worker Welfare Administration (OWWA).

Plano ring idagdag sa app ang group chat, financial service capabilities gaya ng money transfers, foreign exchange rates, e-commerce, at e-banking.

Maaaring ding mag-advertise ang mga Pinoy ng kanilang mga negosyo para maisakatuparan ang pagiging one-stop service app.

Samantala, hindi naman umano masyadong nahihirapan ang mga Pinoy na nagtatrabaho at naninirahan sa Spain dahil maraming pagkakatulad sa kultura ng dalawang bansa.

Matagal na panahon din kasing nasa ilalim ng pamamahala ng mga Kastila ang Pilipinas.

Ayon kay Lhuillier, maraming Pinoy sa Spain ang nagtatrabaho sa mga restaurant.

Katunayan, halos lahat umano ng kainan sa naturang bansa ay may nagtatrabahong Pinoy.

Sa isang cafe sa nga Retiro Park,  tatlong Pinoy ang nakitang nagtarabaho, na halos 20 taon nang naninirahan sa Spain.

Bagaman aminado sila na mas masaya pa ring magpasko sa Pilipinas, ninais pa rin nilang manatili sa Spain dahil malaki ang kanilang kinikita.-- FRJ, GMA News