Matapos ang halos tatlong taong pagtatago, nadakip na sa Batangas ang lalaking nasa likod umano ng milyong-milyong pisong investment scam na kabilang daw sa mga nabiktima ay mga overseas Filipino worker (OFW) na galing sa Middle East.

Sa ulat ni Emil Sumangil  sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkoles, sinabing nadakip ng mga awtoridad sa isang dini-develop na subdibisyon sa Batangas si Elpidio Tanaliga Jr.,  ang nasa likod ng umano'y bogus na Almasai Equity Holdings Incorporated.

Noong June 2018, nakapanayam pa ng GMA News si Tanaliga, at nangakong haharapin at babayaran ang mga naghahabol sa kaniya. Pero pagkatapos noon, hindi na umano nagpakita pa ang suspek.

Ayon sa PNP-CIGD (Criminal Investigation and Detection Group), ngayon pa lang ay aabot na sa kalahating bilyong piso ang halagang hinahabol na pera ng mga investor kay Tanaliga.

Sabi ni Police Colonel Lawrence Cajipe, Regional Chief, CIDG-Region 4-A, pinangakuan umano ni Tanaliga ng malaking interes na aabot ng hanggang 30 porsiyento ang mga nagpasok ng puhunan sa bogus umanong kompanya nito.

Ang isa sa mga OFW na nabiktima umano ng scam na si Solomon Atuel, pinangakuan umano ng suspek ng lima hanggang 20 porsiyento tubo kaya naglagay siya ng P6 milyon bilang puhunan.

"Napasubo ako eh. Biruin mo, nag-for good lang ako para sa makapag-claim sa kaniya, kapag babalik ako, hindi ako makakapag-file ng kaso. Hindi gawang biro.. bakit niya kami pinagtataguan," hinanakit niya.

Hindi niya pinapaniwalaan ang dahilan ni Tanaliga, na may banta sa buhay nito kaya nagtatago at hindi sila maharap na mga investor.

"Madali lang po kaming kausapin eh, bakit nagtatago siya? Dahil sinasabi niyang death threat, ano kakayahan naming magbigay ng death threat, isa lang kaming hamak na OFW," dagdag niya.

Nahaharap sa patong-patong na reklamong estafa si Tanaliga, na tumangging humarap sa camera at sa korte na lang daw siya magbibigay ng panig.

Payo naman ni Cajipe sa publiko,  huwag basta-basta maniniwala at magbibigay ng puhunan sa mga alok na tubo na "too good to be true." --FRJ, GMA News