Sinimulan na ng dalawang barko ng Philippine Navy na BRP Davao del Sur at BRP Ramon Alcaraz ang 25 araw na paglalayag patungong Gitnang Silangan para magbigay ng ayuda sa mga Pinoy doon sakaling maipit sa girian ng Amerika at Iran.

Sa ulat ni Joseph Morong sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang send-off sa dalawang barko kanina na may lulan na 400 tauhan ng Philippine Navy.

"This is a sacred mission and it is really to safeguard the lives of the Filipinos. I task you with the prayer that you carry out your mission successfully and everybody will be safe," anang pangulo.

Iginiit ni Duterte na prayoridad ng pamahalaan ang kaligtasan ng nasa tatlong milyon Pinoy na nasa Middle East, at karamihan ay mga OFW.

"The national interest of the Republic of the Philippines in the Middle East are the lives of more than three million Filipinos. That is not a joke," ayon sa pangulo.

Ayon sa ulat, dadaong umano ang dalawang barko sa Jeddah, Saudi Arabia para kunin ang mga Filipino na maiipit kapag lumala ang tensiyon sa Iraq at Iran.

Matatandaan na napatay sa airstrike ng Amerika sa Baghdad, Iraq ang isang mataas na opisyal ng militar ng Iran. Gumanti ng ilang rocket attack nitong nakaraang mga araw ang Iran sa ilang base sa Iraq na kinaroroonan ng ilang tropa ng Amerikano.

Ayon sa joint task force, ang pagbalik ng dalawang barko ng Navy ay nakasalalay sa kung anong sitwasyon ang madadatnan nila sa rehiyon.

Puwede umanong maging pansamantalang tila evacuation center ang mga barko, o kung lalala ang sitwasyon ay gagamitin nila ito para makapag-uwi ng mga Pinoy.
May mga baong bigas, gulay at mga pagkain na ang mga barko.

Ayon sa Navy,  kayang magsakay ng mga barko ng abot sa 700 katao.--FRJ, GMA News