Bibida ang mag-asawang Pancho Magno at Max Collins sa episode ng "Magpakailanman" sa darating na Sabado na tumatalakay sa usapin ng online love scam. Ang biktima, ang mister na OFW na nabaon sa utang at nalagay sa panganib ang buhay dahil nagpatukso sa nakilala niya sa internet.

Pinamagatang "Ang Kabit Na Walang Mukha," gagampanan nina Pancho at Max ang kinahantungan ng mag-asawang sina Hector at Minda na naloko ng isang online professional scammer.

"Common siya, common 'yung story na sinapit ng asawa ko kasi natukso siya online. OFW siya, nagtrabaho siya sa Saudi, may nakilala siya online, and then nag-send ng pictures, and then naloko siya," pagdetalye ni Max nitong Huwebes.

"Meron silang dalawang kids at 'yung binigay niyang money, hindi niya pa money, inutang niya pa. Sa Saudi kasi 'yun. Iba 'yung punishment doon, mas grabe 'yung sentence," ayon naman kay Pancho.

Dahil sa nauuso ngayon ang mga scam online, nagbigay ng payo sina Max at Pancho kung paano ito maiiwasan.

"So lesson 'yan para sa mga lalaki. I think maraming makaka-relate kasi siyempre we're all techy in this age so it would also help other people know kung ano 'yung dapat iwasan online. Bukod sa 'wag mag-cheat. But always make sure that kung sino 'yung kausap mo, siya talaga 'yon, sabi ni Max.

"At i-video call agad, para sure siya na siya 'yun," ayon naman kay Pancho.

Dagdag pa ni Max, "Dapat mag-ingat talaga. Siyempre, huwag kang umasa lang sa photos and sa kung ano 'yung sinasabi ng tao online kasi hindi mo pa rin sila nakikita, hindi mo pa rin sila nakikilala. So you never really know until you actually physically see someone, especially if it involves money."

Pinayuhan din ni Pancho ang mga nakikipag-date na mas maigi pa rin ang "old school" na nakikipagkita ng personal kaysa sa online lang.

Katulad din ito sa mga gustong bilhin, na mas maiging puntahan na lang sa tindahan.

"Do it pa rin the old school way. Makipag-date ka, magkita kayo like dati, hindi lang sa phone nagdi-date. Get to know someone in person physically. And sa shopping, kung may time kayong puntahan 'yung gusto niyong shoes or ano, puntahan niyo na lang. Kasi ang hirap eh, ang hirap ng hindi ka sure, nang hindi mo makikita kung sino 'yung kausap mo.. Mas maganda na na sure ka kasi kapag naloko ka, wala eh," sabi ni Pancho.

Makakasama rin nina Pancho at Max sina Dexter Doria at Liezel Lopez.--FRJ, GMA News