Inihayag ng Malacañang nitong Biyernes na suportado ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon ng Department of Labor and Employment na magpatupad ng total deployment ban sa Kuwait kasunod ng pagkamatay ng OFW na si Jeanelyn Villavende.

“The Palace wishes to inform the public that President Duterte has approved the recommendation of Labor and Employment Secretary Silvestre Bello III on the total deployment ban of Filipino workers in Kuwait,” ayon kay presidential spokesperson Salvador Panelo.

Ayon kay Panelo, mananatili ang ban hanggang hindi lubos na ipinatutupad ng Kuwait ang memorandum of agreement na napagkasunduan noong 2018.

Partikular umano rito ang probisyon tungkol sa labor contract.

Si Villavende ay namatay sa bugbog na hinihinalang kagagawan ng kaniyang amo.

Sa autopsy report ng isinagawa ng National Bureau of Investigation, lumitaw na pinagsamantalahan din siya.

Hindi rin umano pinasasahod ng tama ang biktima.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Bello na ipinatupad nila ang total deployment ban dahil sa tatlong dahilan — una, ang brutal na pagpatay kay Villavende; ikalawa, dahil umano sa tangkang cover-up sa kaso; at ikatlo, ang kabiguan ng Kuwait na ipatupad ang napagkasunduan noong 2018 tungkol sa kontrata ng mga OFW.

Nilinaw naman ng kalihim na hindi kasama sa ban ang mga skilled workers at professionals na mayroong kontrata bago maipatupad ang ban, at ang mga nagbabakasyon sa bansa at babalik sa Kuwait.

“Those who will come home for a vacation and has an existing contract are still allowed to travel to Kuwait, however, workers with new contracts will be covered by the ban. This move is nothing less than for the protection of our workers,” sabi ni Bello nitong Huwebes. --FRJ, GMA News