Nahirapan umanong makalabas ng Iraq ang unang grupo ng mga Pinoy na ni-repatriate noong nakaraang linggo dahil nanghingi sa kanila ng $10,000.00 o P500,000.00 ang kanilang mga amo bago sila payagang makabalik ng Pilipinas.

Ito ang ipinaalam ni Environment Secretary Roy Cimatu, special envoy to the Middle East, nang dumalo siya sa pagdinig ng House Committee on Overseas Workers Affairs, kaugnay sa sitwasyon ng mga manggagawang Pinoy sa Middle East.

Ipinahiwatig ni Cimatu na ang perang hinihingi ng mga Iraqi employer sa mga OFW ay reimbursement sa ibiniyad nila sa mga recruiter nang kunin ang serbisyo ng mga Pinoy.

Dahil may deployment ban ang Pilipinas sa pagpapadala ng OFW sa Iraw, ang mga employers umano ang nagbayad sa mga recruiter para makagawa ng paraan na makakuha ng mga manggagawang Pinoy.

"And when they volunteered to come home, the employer would not allow them until they have to pay US$10,000," paliwanag ng kalihim.

Nasa 13 Filipinos mula sa Iraq ang nakauwi ng bansa noong nakaraang linggo matapos na itaas sa Alert Level 4 ang sitwasyon doon bunga ng iringan ng Amerika at Iran.

Pero naantala umano ang pagdating ng mga pinauwing OFWs.

Ayon kay Cimatu, pinigilan ng airport immigration ang mga uuwing OFW na makalabas ng Iraq dahil na rin sa kanilang mga naghahabol na amo.

"Sumunod doon [yung employers], sinabi nila hindi pa nakakabayad ng US$10,000. So hindi sila nakaalis at that time. Natulog sila sa airport, they stayed there," saad ng kalihim."So ang rason nila kung bakit hindi makaalis ay magbayad muna."

Pinuri naman ni Cimatu ang chargé d'affaires sa Baghdad dahil hindi nito iniwan at nananatiling kasama ang kababayan sa detention center ng airport hanggang sa naresolba ang isyu.

Sa naturang pagdinig, sinabi naman ni Foreign Affairs Undersecretary Sarah Lou Arriola na darating sa bansa sa Enero 23 ang ikalawang grupo ng mga OFW mula sa Iraq. —FRJ, GMA News