Para patunayan umano ng Kuwait na pursigido silang mabigyan ng hustisya ang pinaslang na OFW na si Jeanelyn Villavende, papayagan daw ng bansa ang mga imbestigador ng Pilipinas na sumama sa pagsisiyasat sa kaso.

Sa isang pahayag nitong Miyerkules ng Department of Foreign Affairs, pinuri ni Secretary Abdullah Mama-o ng Office of the Presidential Adviser on OFW Concerns, ang pamahalaan ng Kuwait sa ginagawang aksyon para mabigyan ng katarungan ang kasambahay na si Villavende, na hinihinalang pinatay ng kaniyang mga amo.

"To show Kuwait’s commitment in the case, Deputy Foreign Minister  (Khaled) Al-Jarallah said that his government is willing to allow investigators from the Philippines to join the investigation in Kuwait of the murder of OFW Villavende," nakasaad sa pahayag.

Ang pahayag ay isinagawa matapos na makipagpulong sina Mama-o, Philippine officials Chargé d’Affaires Dino Lomondot, at Undersecretary Edwin Bael, sa ilang opisyal ng Ministry of Foreign Affairs ng Kuwait para pag-usapan ang kapakanan ng mga OFW sa nabanggit na bansa.

Tinatayang mahigit 200,000 Filipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Kuwait, na karamihan ay household service worker tulad ni Villavende.

Ayon pa sa pahayag, tiniyak umano kay Lomondot ni Kuwaiti Assistant Foreign Minister for Protocol Dhari Al-Ajran, ang mabilis at transparent na imbestigasyon sa kaso ni Villavende.

Inaasahan din umano ng Kuwaiti Foreign Ministry na mailalabas na sa lalong madaling panahon ang buong ulat sa resulta ng imbestigasyon ng pulisya tungkol sa nangyari at resulta ng awtopsiya kay Villavende.

Kamakailan lang, nagpatupad ng total deployment ban ng OFW ang Pilipinas sa Kuwait matapos na lumitaw sa isinagawang awtopsiya ng National Bureau of Investigation sa mga labi ni Villavende na pinagsamantalahan din ang biktima.

Wala umanong nakasaad sa autopsy report ng ospital sa Kuwait na sumuri sa mga labi ng OFW na pinagsamantalahan ito kaya naniniwala si Labor Secretary Silvestre Bello III, na binalak na pagtakpan ang kaso.--FRJ, GMA News