Isang ginang na OFW ang dumulog sa "Sumbungan ng Bayan" at humingi ng legal na payo tungkol sa asawa niya na nambababae umano at hindi pa sila sinusustentuhan ng kaniyang pamilya.

Kuwento ni Marilene Rueda Marquez, nasa abroad siya nang sabihan siya ng bilas na may iba nang kinakasama ang kaniyang asawa.

Hindi naniwala si Marquez noong una. At nang umuwi siya, idiniin ng asawa niya na wala itong relasyon sa ibang babae.

Pero ngayon, sa babae na nito umuuwi ang kaniyang asawa. Idinulog ito ni Marquez sa korte at nagkaroon sila ng kasunduan na dapat magbigay ang mister ng sustento ng P1,000 kada linggo.

Nagbigay pa ang asawa noong una, pero hindi na ito nasundan gayong nagtatrabaho pa ito.

Ayon pa kay Marquez, napupunta sa babae ang suweldo ng kaniyang asawa, at may pagkakataon pang umiiyak ang kaniyang mga anak dahil hindi sila binibigyan ng pera ng kanilang tatay.

Sinabi ni Atty. Jhoel Raquedan na maaaring sampahan ng kaparusahang concubinage ang asawa ni Marquez sa ginawa nitong pambababae umano.

Pinayuhan din ang ginang na iakyat ang kanilang compromise agreement sa korte para ipatupad ito, o buhayin ang kaso ng Violence Against Women and Their Children para may nakatutok na pagkakakulong sa mister.

Panoorin ang naging pasya ni Maruquez tungkol sa kaniyang asawa.

— Jamil Santos/MDM, GMA News