Sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III nitong Martes na kinasuhan na ng murder ng pamahaan ng Kuwait ang mga amo ng pinaslang na Pinay domestic worker na si Jeanelyn Villavende.

“Yesterday, I was informed that the employers have been formally charged with murder,” sabi ni Bello sa pagdinig ng Senate labor committee kaugnay sa mga pagmamaltratong ginagawa sa mga manggagawang Filipino sa abroad.

Nakakulong umano ang mga amo ni Villavende sa isang kulungan para umano sa mga itinuturing na "high criminals."

Ikinatuwa naman ng Malacañang ang pagkakasakdal sa mga amo ng Villavende na pinatay sa bugbog at pinaniniwalaang pinagsamantahan pa.

“Okay ‘yon. Di ba ‘yon ang hinihingi natin, justice,” ayon kay presidential spokesperson Salvador Panelo sa mga mamamahayag sa Palasyo.

Dahil sa nangyari kay Villavende, nagpatupad ng total deployment ban ng mga OFW sa Kuwait ang pamahalaan.

Sinabi ni Bello na mananatili ang ban hangga't hindi nakakamit ni Villavende ang lubos na katarungan at kung hindi sasang-ayon ang Kuwait sa napagkasunduang "standard contract" para sa mga OFW. —FRJ, GMA News