Nangangailangan umano ang bansang Germany ng 550 Filipino nurse, ayon sa Philippine Overseas Employment Administrasyon. Ang alok na sahod, aabot umano sa P113,000 kada buwan at may posibilidad pang manirahan sa naturang bansa.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, naabutan niya sa POEA ang magkaibigang nurse na sina Rosslyn Manaois at Hazel Bonbon, na dating nagtrabaho sa Saudi Arabia.

Ayon sa kanila, maraming Pinoy ang ayaw na raw magtrabaho sa KSA at bumabalik na sa Pilipinas dahil mataas na gastusin sa paninirahan sa naturang bansa sa Gitnang Silangan.

Ngayon, naghahanap ng bagong bansa na mapapasukan ang magkaibigan at nais nilang subukang mag-apply sa Germany.

Ayon kay Villamor Ventura Plan, deputy administrator ng POEA, nasa 2,000 euros o P113,000 bawat buwan ang sasahurin ng mga mantatanggap na nurse, hindi pa kasama ang overtime pay.

At kapag pumasa sa exam para sa mga nurse sa Germany, tataas ang buwanang suweldo na katumbas sa P135,000 , at may pag-asa pang maging citizen ng naturang bansa.

"Isa pa ho sa rason kung bakit interesado mga nurse na magtrabaho sa Germany is because puwede silang maging permanent resident or citizen dun sa Germany," ayon kay Plan.

Mula 2013, umaabot na umano sa 800 Filipino nurse ang napadala sa Germany.

Inihayag naman ng magkaibigang Manaois at Bonbon, na ang posibilidad na maging permanent resident sa isang maunlad na bansa tulad ng Germany ang isa sa mga dahilan kung bakit nais nilang makapagtrabaho doon.

Ayon sa ulat, hanggang Marso 2 lang maaaring mag-apply sa POEA para sa naturang trabaho sa Germany.-- FRJ, GMA News