Naglunsad ng online petition ang ilang OFW at mga Pinoy na residente sa Hong Kong na nasa Pilipinas na payagan na sila ng gobyerno na makabalik sa naturang teritoryo ng China sa kabila ng ipinatutupad na travel ban dahil sa coronavirus disease o COVID-19 .

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, sinabing kabilang sa mga Pinoy na stranded sa Pilipinas ang pamilya ni Edward Borja.

Residente na sa Hong Kong sina Borja at nasa Pilipinas lang ang pamilya para magbakasyon nang abutan sila ng travel ban.

Pero bukod sa paubos na raw ang baon nilang pera sa Pilipinas, nangangamba rin si Borja sa kaniyang trabaho at mga babayaran sa Hong Kong kung hindi pa siya makakaalis kaagad ng bansa.

"Iniisip ko iyong rent ng bahay namin, iyong bills na dumadating, and then now we that we are threatened of not receiving any pay by next month," pahayag niya.

Hindi rin daw nila napapa-therapy ang isang taong gulang nilang anak na libre sana ang pagpapagamot sa Hong Kong.

Samantala, nag-aalala rin ang kindergarten teacher namang si Joms Ortega, sa mga naiwan niyang responsibilidad sa mga tinuturuang bata sa Hong Kong.

"We have a right to go back to our homes, go back to our lives, make sure that our jobs are not lost," giit niya.

Inilunsad na ang online petition ng #strandedph  na humihiling na payagang makabalik sa Hong Kong ang mga OFW at mga Filipinong residente na sa Hong Kong.

Nakasaad sa petisyon na may karapatan silang pumili kung nais nilang mananatili sa Pilipinas o bumalik sa Hong Kong. Nakahanda raw sila na pumirma ng waiver na nag-aabswelto sa pamahalaan sakaling may mangyari sa kanila.

Sinusubukan ng GMA News makuha ang panig ng pamahalaan tungkol sa petisyon.

Sa Hong Kong, isinara na ang ilang borders malapit sa Mainland China para mapigilan ang pagkalat ng virus. Itinigil na rin pansamantala ang ilang serbisyo ng gobyerno at maging ang mga pasyalan. --FRJ, GMA News