Inihayag ng Philippine Consulate General sa Hong Kong na maayos ang kalagayan sa ospital ng Pinay OFW na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa isang pahayag, sinabing  "normal and stable" umano ang kalagayan ng 32-anyos na OFW, at wala na rin umano siyang ipinapakitang sintomas ng sakit.

"Maganda ang kaniyang disposisyon at hindi siya kinakikitaan ng sintomas ng sakit gaya ng sipon, ubo at lagnat. Siya ay nasa mabuting pangangalaga bagamat ipinagbabawal sa kasaluyan ang personal na pagbisita sa ospital," ayon sa pahayag ng Consulate General.

Kung magnenegatibo umano sa virus sa mga susunod na pagsusuri ang OFW, sinabi umano ng doktor na posibleng makalabas na siya ng ospital.

Dinala sa ospital ang OFW noong Biyernes nang magkaroon siya ng ubo at lagnat.

Nang isalang siya sa mga pagsusuri, lumitaw na taglay niya ang virus na nagmula sa China.

Umabot na sa 62 ang kaso ng COVID-19 sa Hong Kong.

Samantala, wala namang sintomas ng COVID-19 ang 49 na Pinoy na iniuwi sa Pilipinas mula Wuhan City, China at naka-quarantine ngayon sa New Clark City sa Capas, Tarlac.

Kabilang sa mga naka-quarantine ang isang 38-anyos na buntis na dinala sa ospital dahil sa mataas na blood pressure at pagmamanas. --FRJ, GMA News