Hindi napigilan ng dalawang Pinay na maging emosyonal nang balikan ang masaklap nilang kapalaran sa kamay pa man din ng kanilang kababayan na nanloko at ibinugaw sila sa iba't ibang dayuhan sa Bahrain. Ang mga biktima, nahawahan pa ng sexually transmitted decease o STD.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing nangyari ang mala-impiyernong karanasan ng mga biktimang itinago sa pangalang Hope at Faith noong 2018.

Kuwento nila, October 2018 nang makilala nila sa Dubai, United Arab Emirates, ang isa pang Pinay na nag-alok sa kanila ng trabaho sa Bahrain na mas malaki raw ang sahod.

Pumayag naman ang dalawa sa pag-aakalang sa isang salon sila magtatrabaho. Pero pagdating sa Bahrain, ibinenta sila sa ibat ibang lalaki  at pinagbantaang ipakukulong kapag tumanggi.

"Yung araw na 'yun nakasampu akong lalaki na 'di ko ginusto. Sampung lalaki na pakiramdam ko sa sarili ko ang dumi-dumi ko," umiiyak na pahayag ni Faith.

Kinuha rin daw ang kanilang mga cellphone at binabantayan ang lahat ng kilos.

"Hindi namin alam na ganun. Tiniis na lang po namin kasi 'pag tumatanggi kami kahit 'pag ka may regla kami pinipilit pa rin kami," sabi naman ni Hope.

Bilang ebidensya, gumawa ang dalawa ang notebook kung saan isinulat nila ang mga naging transaksyon tulad ng bilang ng mga lalaki na gumagamit sa kanila at bayad.

Inabot daw ng halos dalawang buwan bago sila nakatakas noong December 2018. Pero hindi pa kaagad natapos ang kanilang kalbaryo.

"Tumakas po kami pero malayong malayo kami. Doon na po na-try namin na halos wala nang makain. Hindi namin alam kung saan kami kukuha ng pagkain namin.  Hindi rin po namin masabi sa pamilya kung anong nangyayari sa Bahrain kasi ayaw din naman po namin na mag alala sila," lahad pa ni Faith.

Noong Pebrero 2019  makabalik sa Pilipinas ang dalawa at humingi sila ng tulong sa Blas Ople Policy Center, na nagdala naman ng kanilang kaso sa Office of the Undersecretary for Migrant Workers Affairs o OUMWA ng Department of Foreign Affairs.

Dahil dito, pumasok na sa kanilang kaso ang Inter-Agency Council Against Trafficking o IACAT ng Department of Justice.

Nang isailalim sila sa medico legal, nakitang nagkaroon sila ng sexually transmitted decease o STD.

"We have this case that has been investigated by Philippine and the claims, which allow us to investigate more and lead us to the classification as victim of trafficking, without them coming to Bahrain for testimony or statement, this is an ideal example of an international cooperation," sabi ni Fahad Alasmi, Labour Market Regulatory Authority, Kingdom of Bahrain.

Nahuli naman at nakakulong na sa Bahrain ang mga suspek na Pilipino at isang pulis na taga-Bahrain na umano'y kasabwat nila sa human trafficking.

"Kapag ganyang klase para ka na ring drug trafficker. Saka ang masahol pa rito ang tina-traffic mo kapwa mo Pilipino," ayon kay Usec. Sarah Lou Arriola, OUMWA.

"This should be a warning to other Filipinos na nangta-traffic, nag-i-illegal recruit o nagpapahamak ng ibang Pilipino; Na hindi talaga sila titigilan ng pamahalaan na ito, we will make sure na makulong sila," dagdag niya.

Nitong Lunes,  iniabot ng Kingdom of Bahrain ang tig US$3,000 o mahigit P150,000 sa dalawa mula sa victims assistance fund ng Bahrain. May natanggap din silang tig-P100,000 mula sa DFA Assistance to Nationals Fund.

Ayon sa IACAT, bukod sa Bahrain ay may mga kaso rin ng human trafficking sa iba't ibang bansa lalo na sa Middle East tulad sa UAE, Aaudia Arabia, Iraq, Syria at Jordan. --FRJ, GMA News