Isa pang Pinay sa Hong Kong ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa Philippine Consulate General nitong Huwebes.

Batay umano sa impormasyon mula sa Hong Kong Health Department, sinabi ng Philippine Consulate General na 29-anyos ang pasyenteng Filipina.

Dahil dito, dalawa na ang Pinay sa Hong Kong na may COVID-19.

Mabuti naman umano ang kalagayan ng pangalawang pasyente at wala siyang lagnat bagaman nakahiwalay sa ibang pasyente.

“She requested for some personal items which the Consulate will immediately bring to her today. She also asked that we keep her identity secret,” ayon sa konsulada.

Ayon sa HK Department of Health-Centre for Health Protection (CHP), naunang nagpositibo sa virus ang amo ng Pinay.

“The sixth case involves a 29-year-old female (the 90th case) who is the domestic helper of the 85th case confirmed yesterday,” sabi sa pahayag ng CHP nitong Pebrero 26.

“She developed fever on February 16 and consulted the same private doctor on February 20 and 24,” dagdag nito.

Hindi naman umano bumiyahe ang Pinay sa panahon bago lumabas ang sintomas ng virus, ayon sa CHP.

“Her employer's husband and son, as well as another domestic helper are all asymptomatic and have been arranged for quarantine,” dagdag pa ng CHP.

Hanggang nitong Huwebes, isang Filipino lang umano ang nananatiling naka-quarantine. Maayos umano ang kalagayan nito, walang ipinakikitang sakit at maaari nang makalabas sa Biyernes.

Ang unang pasyenteng Pinay na nakitaan ng virus ay mabuti na rin umano ang kalagayan at negatibo na sa COVID-19. Maaari umanong makalabas na rin ng pagamutan ang Pinay ngayong linggo, ayon sa konsulada.—FRJ, GMA News