Siyam na ang Pilipino sa Singapore na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 o COVID-19 matapos itong madagdagan pa ng dalawa. Ang pamahalaan ng Singapore, nagpaalala sa kanilang mga kababayan na mag-ingat sa pagpunta sa Pilipinas.

Batay sa datos ng Singapore Ministry of Health, sinabing ang dalawang Pinoy na nagpositibo sa virus ay tinawag na sina Case 205 at 211.

Si Case 205 ay 30-anyos na babae na may Singapore Long Term Visit Pass at nagpunta sa Pilipinas mula Pebrero 27 hanggang Marso 6.

Samantala, si Case 211 ay 35-anyos na Pinay na may kaugnayan sa isa pang naunang kaso ng COVID-19 sa Singapore.

Kapwa nasa National Centre for Infectious Diseases (NCID) ang dalawa.

Sa siyam na kaso, sinabi ng Department of Health (DOH) sa Pilipinas na isa palang sa mga Filipino COVID-19 patient sa Singapore ang gumaling.

Dahil na rin sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, pinayuhan ng Singaporean government ang kanilang mga kababayan na mag-ingat sa pagpunta sa Pilipinas.

Gayunman, nilinaw ni Consul General Bernie Candolada na hindi naman pinagbabawalan ang mga Singaporean na bumiyahe sa Pilipinas.

“Travel with caution is simply a reminder for citizens of the degree of risks they are exposed to once they travel to The Philippines. It means that you are not prohibited to travel there but you should be aware of the danger,” anang opisyal.

Susuriin naman ang mga magpupunta sa Singapore na manggagaling sa mga bansa na may travel advisory kapag nakitaan sila ng sintomas ng sakit pagdating sa airport.

Napag-alaman din na pinapayuhan ng mga amo at Philippine embassy ang mga Pinoy domestic workers sa Singapore na maging mas maingat kapag nasa kanilang day-off.

Ang iba, pinapakiusapan na huwag nang lumabas lalo na sa mga bahay na may mga bata o nakatatanda.--FRJ, GMA News