Isang 68-anyos na babaeng Filipino-American ang iniulat na kauna-unahang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) related death sa Los Angeles County, ayon sa ulat ng Los Angeles Times.

Nitong Marso 9, napansin umano ni Roddy na hindi na gumagalaw ang nasawi niyang maybahay na si Loretta.

Kaagad daw niya itong binigyan ng mouth-to-mouth resuscitation at chest compression, at kinalaunan ay isinugod sa ospital, kung saan siya pumanaw.

Isinailalim pa rin ang biktima sa COVID-19 test at positibo ang resulta ng pagsusuri nitong Marso 10.

Napag-alaman na breast cancer survivor at diabetic si Lorreta.

Ayon sa ulat, ipinagdiwang ng mag-asawa ang kanilang retirement matapos ang 30 taon na magtatrabaho sa isang advertising firm. Mula sa Florida, bumiyahe sila sa Pilipinas noong Pebrero 4.

Dumaan din sila sa Thailand at Seoul, papunta sa Pilipinas.

Noong Marso 8, lumipad sila sa Los Angeles International Airport, at plinano na magpalipas ng ilang araw sa bahay ng kapatid ni Roddy sa Walnut, bago bumalik sa Florida sa Marso 10.

Napagod umano si Loretta sa kanilang biyahe kaya nais na lang umanong magpahinga.

Nitong Marso 9, hindi umano makausap ng mga anak ang mag-asawa hanggang noong hapon nang makatanggap na sila ng text mula sa kanilang ama para sabihin na walang malay ang kanilang ina. --FRJ, GMA News