Nasa 200 Pilipino umano ang nawalan ng trabaho sa Qatar Airways sa harap ng patuloy na pagkaunti ng bumibiyahe sanhi ng banta ng coronavirus outbreak.

"Our labor attache is under strict instructions to determine what is the real cause of the decision of management to retrench them on the basis of redundancy," sabi ni Philippine Labor Secretary Silvestre Bello sa ulat ng Reuters.

Wala pa umanong pahayag na ibinibigay ang Qatar Airways.

Kabilang umano sa nawalan ng trabaho ay mga engineer at maintenance staff.

Una rito, nagpahayag ang State-owned Qatar Airways na iuulat nila ang kanilang third consecutive loss ngayong taon, na magtatapos ngayon Marso, bago pa man lumpuhin ng virus outbreak ang airline industry.

Ang Qatar Airways ang pinamalaking airlines sa Middle East.

Bilang pag-iingat sa pagkalat ng COVID-19, naging mahigpit ang pagpapasok nito ng mga pasahero, at ipinagbawal na muna ang pagbiyahe ng mga dayuhan.

Sa ngayon, mahigit 400 katao ang kaso ng COVID-19 sa Qatar.--FRJ, GMA News