Isang manggagawang Pinoy ang naging ika-15 kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Macau. Sa Athens, Greece, isang Pilipino rin ang nagpositibo sa kumakalat na virus.

Sa ulat ng Macau News, sinabing 31-anyos na lalaki ang pasyenteng Pinoy na nagtatrabaho sa isang hotel restaurant.

Enero 26 nang huli umano itong magtrabaho at umuwi ng Pilipinas kinabukasan.

Noong Marso 16, bumiyahe na siya ng Hong Kong na kalapit lang ng Macau.

Ayon sa mga health official, nagkaroon ng toothache at rash ng tatlong araw ang pasiyente at nagpaggamot sa Kiang Wu Hospital, kung saan itinuring siyang "medium-risk" noong Marso 17, ayon sa ulat.

Matapos ang diagnosis para sa viral nucleic acid testing, bumalik siya sa kaniyang tinutuluyan.

Ipinadala ang kaniyang throat swab sample sa Public Health Laboratory of the Health Bureau (SSM) para sa testing at doon nalaman na positibo siya sa virus na nagdudulot ng COVID-19.

Nakaratay siya ngayon sa Conde S. Januário Hospital.

Samantala, isa ring Pilipino sa Athens, Greece ang nagpositibo sa COVID-19, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

“The Filipino national is reportedly exhibiting mild symptoms and is under home quarantine,” saad ng DFA sa Twitter.

Tiniyak ng DFA na maigting ang pakikipag-ugnayan nila sa lokal na pamahalaan sa Greece para matanggap ng pasyente ang "maximum care and support.”

Mayroon nang 331 kaso ang Greece at apat na pagkamatay dahil sa COVID-19 nitong Martes, ayon sa World Health Organization.

Sa datos ng Department of Health (DOH) ng Pilipinas noong Linggo, sinabing nasa 120 Pinoy sa iba't ibang bansa ang nahawahan ng COVID-19.

Sa kasalukuyan, mahigit 7,000 na ang namatay sa coronavirus at nasa mahigit 179,000 katao naman ang nahawahan sa buong mundo.--Jamil Santos/FRJ, GMA News