May dalawang panibagong Pinoy  na nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Singapore, ayon sa Singapore Ministry of Health (MOH). Sa South Korea, naitala ang unang Pinoy na nagpositibo sa virus, pati sa Kuwait.

Sa ulat ng MOH nitong Huwebes, sinabing ang isang Pilipinong pasyente ay 38-anyos na lalaki at nakabiyahe sa United Kingdom.

Dinala siya sa National Centre for Infectious Diseases para doon gamutin.

Samantala, babaeng 67-anyos naman ang isa pang pasyenteng Pilipino na may travel history sa Pilipinas.  Nakasalamuha naman niya ang isang 71-anyos na Singaporean na positibo rin sa virus.

Dinala naman ang pasyente sa Sengkang General Hospital.

Kapwa umano mayroong Singapore Work Pass ang dalawang Pilipino.

Dahil sa panibagong kaso, umakyat sa 13 ang mga Pinoy na positibo sa virus sa Singapore.

Sa Twitter post naman ng Super Radyo dzBB, sinabing naitala ang kauna-unahang kaso ng Pinoy na nagpositibo sa virus sa South Korea.


Ang Korea Centers for Disease Control and Prevention ang naglabas umano ng kumpirmasyon, ayon naman sa post ni Foreign Affairs Undersecretary Brigido Dulay sa Twitter.

Mayroon nang mahigit 8,600 na kaso ng COVID-19 sa South Korea at 94 ang nasawi.

Inanunsyo rin ng Philippine Embassy sa Kuwait na mayroon nang Pinoy doon na nagpositibo sa COVID-19.

Ayon sa embahada, babae ang pasyente na isang domestic worker na nagkaroon ng close contact sa isang tao na nakabiyahe naman sa United Kingdom.

Nasa maayos naman umanong kalagayan ang Pinay worker.

“The embassy reminds all Filipinos in Kuwait to stay at home, follow the instructions of Kuwaiti authorities, and stay healthy during this time,” saad sa pahayag ng embahada.

Nitong nakaraang Linggo, iniulat ng Department of Health na nasa 120 Pilipino sa iba't ibang bansa ang nagpositibo sa COVID-19.

Pinakamarami ang nanggaling sa isang cruise ship sa Japan.--FRJ, GMA News