Umakyat na sa 153 ang mga Pinoy na nasa abroad na nahawa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19), ayon sa Department of Foreign Affairs nitong Lunes.

Sa datos na inilabas ng DFA, nakasaad na isa ang nasawi, 66 ang patuloy na ginagamot, at 86 na ang gumaling at nakalabas ng ospital.

Ang mga Pinoy sa abroad na tinamaan ng virus ay nasa 23 bansa o teritoryo.

Tinatayang nasa 10 milyon ang mga Pinoy na nagtatrabaho sa abroad tulad ng mga household service worker, construction laborers, engineers, IT workers, at medical personnel.

Nitong Lunes, inihayag ng Philippine Consulate General sa Hong Kong na tatlo pang Pilipino ang nagpositibo sa COVID-19.

Dahil dito, lima na ang mga Pilipinong nahawahan ng virus sa naturang teritoryo ng China,

Hindi pa batid kung kasama na sa inilabas na listahan ng DFA ang tatlong bagong kaso ng mga Pinoy na COVID-19 possitive sa Hong Kong.

Sa Pilipinas, umabot na sa 462 ang COVID-19 cases at 33 na ang nasawi.-- FRJ,GMA News