Inihayag ng Department of Foreign Affairs na 169 na ang Overseas Filipinos (OFs) na tinamaan ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). Pinakamarami ang naitala sa Asia Pacific Region.

Sa inilabas na datos ng DFA nitong Martes, sinabing 128 sa 169 ng positive COVID-19 patients ay DOH IHR verified mula sa 25 bansa at rehiyon sa Asia and Pacific, Europe, Middle East, at Americas.

Sa Asia Pacific Region, 111 ang naitalang Pinoy na nagpositibo sa virus. Isa sa kanila ang nasawi, 86 ang gumaling na at 24 ang patuloy na ginagamot.

Nakapagtala naman ng 20 kaso ng Pinoy na may COVID-19 sa Europe, na isa ang nasawi, dalawa ang gumaling na, at 17 pa ang ginagamot.

Sa Americas, nanatiling ginagamot ang 20 Pinoy na positibo rin sa virus.

May 18 kaso naman ng mga Pinoy na positibo ng COVID-19 sa Middle East, kung saan dalawa na ang gumaling at ginagamot naman ang 16 na iba pa.

Nitong Martes, umakyat na sa pito ang Pinoy na nagpositibo sa virus sa Hong Kong, matapos na madagdagan ito ng isa.

Hindi naman malinaw kung kasama na sa listahan ng DFA ang panibagong Pinoy na COVID-19 positive sa Hong Kong.--FRJ, GMA News