Kailangang sumailalim sa 14-day self-quarantine ang mga bibiyahe sa Japan na manggagaling sa Pilipinas bilang pag-iingat laban sa paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19). Ipinagbawal naman ng Japan ang pagpasok ng mga dayuhang mula sa 21 European countries at Iran.

Sinabi ni Japanese Prime Minister Shinzo Abe na hihilingin nila sa mga dayuhang bibisita sa kanilang bansa mula sa Pilipinas, Thailand, Singapore, Vietnam at Malaysia, na mag-self-quarantine ng 14 araw pagdating nila sa Japan, ayon sa ulat ng Kyodo News.

Kasama rin umano sa hihilinging mag-self-quarantine ang mga manggagaling sa Middle East at Africa.

Samantalang hindi na muna tatanggap ng bisita ang Japan mula sa 21 European countries at Iran.

Kabilang sa mga saklaw ng travel ban ang Andorra, Austria, Belgium, Denmark, Estonia, France, Germany, Italy, Ireland, Liechtenstein, Luxembourg, Malta, Monaco, the Netherlands, Norway, Portugal, Slovenia, Spain, Sweden, Switzerland, at pati na sa Vatican.--FRJ, GMA News