Umakyat na sa apat ang mga Pilipino sa abroad na nasawi dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) matapos pumanaw ang isang pasyenteng Pinoy na nasa Gitnang Silangan, ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA).

Sa impormasyon na inilabas ng DFA nitong Biyernes, sinabing 245 Overseas Filipinos (OFs) na ang nahawahan ng virus mula sa iba't ibang bansa. Mas mataas ito ng 42 kaso kumpara sa 203 na bilang na inilabas ng DFA nitong Huwebes.

Sa bagong bilang ng OFs na infected ng virus, sinabing 139 na sa mga ito ang naberipika ng Department of Health o DOH-IHR verified.

 

 

Bukod sa Middle East, may isang Pinoy din sa Asia Pacific Region ang nasawi, at dalawa naman sa Europe.

Pinakamarami pa rin sa mga OFs na infected ng COVID-19 ang nasa Asia Pacific Region na 86; 44 sa Middle East; 42 sa Europe, at 14 sa Americas.

Sa naturang bilang ng mga infected, 108 na ang gumaling at 133 pa ang ginagamot.--FRJ, GMA News