Inaasahang darating sa Pilipinas sa susunod na dalawang linggo ang nasa 4,600 Pilipino sa abroad sa harap ng nararanasang krisis sa iba't ibang bansa dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

"Currently, the Department of Foreign Affairs is closely coordinating with various foreign service posts on the repatriation of at least 4,600 Filipinos for the next two weeks," nakasaad sa ulat ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso na may petsang March 30.

Sinabi rin sa ulat na mayroon nang 1,806 Pinoy sa abroad ang natulungang makauwi sa bansa.

Ang unang grupo ay mga Pinoy sa Wuhan City sa China na naging epicenter noon ng outbreak, at dumating sila sa bansa noong February 9.

Kasama rin ang repatriation sa mahigit 400 seafarers at pasaherong Pinoy ng cruise ship na M/V Diamond Princess na nanggaling sa Japan. Magkakasunod silang isinailalim sa dalawang linggong quarantine sa New Clark City sa Tarlac.

Mahigit 400 iba pa na mula naman sa M/V Grand Princess ang dumating sa bansa ngayong buwan.

Nitong Sabado, 370 Filipino sailors mula sa tatlong cruise liners ang dumating din sa Pilipinas.

Kamakailan lang, sinabi rin ng embahador ng Pilipinas sa China na nagpapatulong na ring ang mga Pinoy doon na ilegal na nagtatrabaho bilang ang mga domestic helper ang nais nang bumalik muna sa bansa dahil pa rin sa krisis dulot ng virus.

Hanggang nitong Marso 30, mayroon nang 348 overseas Filipinos ang nagpositibo sa COVID-19 sa 30 iba't ibang bansa. Karamihan sa kanila ay nasa Asia Pacific Region.--FRJ, GMA News