Isang Pinay nurse na nagtatrabaho sa intensive care unit sa Miami, Florida, USA, ang pumanaw dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa ulat ng CBS News, sinabing nagtatrabaho sa Jackson Memorial Hospital sa loob ng 33 taon ang nasawing nurse na si Arceli Buendia Ilagan, 63-anyos.

Nagtatrabaho umano ito sa ospital noong nakaraang linggo nang makitaan ng sintomas ng virus.

Ang pagpanaw ni Ilagan nitong Biyernes ang ikatlong kaso ng coronavirus-related fatality sa Miami-Dade County, ayon pa sa ulat.

Batay umano sa Florida Health Department, mayroon mahigit 5,000 kaso ng COVID-19 sa Florida, kasama ang 63 nasawing pasyente.

Mayroon nang mahigit 150,000 kaso ng COVID-19 sa Amerika, at mahigit 2,800 na nasawi.—FRJ, GMA News