Magkakasunod na grupong dumating sa Pilipinas ang nasa 1,006 seafarers na ni-repatriate mula sa iba't ibang bansa bunga ng nararansang krisis sa mundo dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Sa isang pahayag ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Biyernes, sinabing ang grupo na binubuo ng 265 seafarers ay nagtatrabaho sa mga cruise ships mula sa United Kingdom, Germany at Amerika.

Ang 126 umano ng mga marino ay crew member mula sa Norwegian Jewel, 10 naman ang nagtatrabho sa MS Albatros, 33 sa MV Viking Star at 96 sa Carnival Cruises (Ecstacy, Horizon, Legend and Sunrise).

Katuwang umano ng DFA ang mga manning agencies ng mga sea-based OFW upang maiuwi sila sa Pilipinas.

Tiniyak din ng DFA na sumailalim sa kinauukulang medical protocol ang mga umuwing Pinoy at sasailalim sila sa itinakdang home quarantine procedure.

Ang isa pang grupo ng mga seafarer na dumating sa bansa ay binubuo naman ng 275 OFWs mula sa London, na kinabibilangan ng 128 crew members ng MV Oceana at 147 na mula sa MV Aurora.

Samantala, dumating ang nasa 450 seafarers na mula sa Carnival Fantasy, Freedom, Glory, Legend, at Valor cruise ships mula sa New Orleans, USA.

May hiwalay na grupo rin na dumating ngayong Biyernes ng gabi na binubuo ng 16 na marino na crew members ng Mystic Cruises' MS World Explorer na mula naman sa Lisbon, Portugal.

Sasailalim din umano ang mga marino sa quarantine procedures bago sila payagang makauwi sa kani-kanilang lalawigan.

"Counting from February 2020, the DFA today breached the 10,000-person mark in assisted repatriations of OFWs from every corner of the globe," ayon sa hiwalay na pahayag ng DFA.

Nauna nang sinabi ng DFA na pawang mga walang sintomas ng sakit ang mga pinauuwing OFWs.--FRJ, GMA News