Umabot na sa 1,084 ang mga Pilipino sa iba't ibang bansa ang dinapuan ng coronavirus disease 2019 o COVID-19.

Sa inilabas na impormasyon ng Department of Foreign Affairs nitong Martes, sinabing 94 na kaso ang nadagdag sa listahan ng mga Pinoy sa abroad na COVID-19 positive nitong nakalipas na mga araw.

Ang mga bagong kaso umano ay mula sa Americas, Europe, at Asia Pacific Region.

Pinakamaraming kaso ng mga Pinoy na positibo sa virus ay nasa Europe (371 cases), sunod ang Asia Pacific Region (279), Americas (278) at Middle East/Africa (156).

Umabot naman sa 153 ang kabuuang bilang ng mga nasawing Pinoy sa abroad dahil sa COVID-19. Pinakamarami sa mga nasawi ang nasa Americas (88), sunod ang Europe (54), Middle East/Africa (9) at Asia Pacific Region (2).

Nagawa namang manalo sa laban at gumaling sa COVID-19 ang 269 pasyente, habang 662 pa ang patuloy na nakikipaglaban sa virus.

Batay sa naturang datos, sabi ng DFA na, "The rate of new recoveries and new deaths as of today are at 2.28% and 6.99%, respectively."

 

 

Sa Pilipinas, iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Martes na 6,599 na ang kabuuang kaso ng COVID-19 sa bansa matapos na madagdagan ng 140.

Mayroong namang 41 pasyente ang nadagdag sa mga gumaling para sa kabuuang bilang na 654; at siyam naman ang bagong nasawi sa virus para sa kabuuang bilang na 437.-- FRJ, GMA News