Pagod sa biyahe at sa mahabang proseso para makauwi sa bansa, ang makapagpahinga na sa hotel na magiging quarantine facility sa Lian, Batangas ang tanging nasa isip nila. Pero hindi kaagad ito nangyari nang harangin sila ng mga residente dahil sa kumalat na balita na mayroon silang COVID-19.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing kinailangan ng 13 bus para mabiyahe ang mga OFW na nanggaling mula sa Africa at Middle East.

Sa ipinatutupad na protocol ng pamahalaan sa mga umuuwing OFW, tinitiyak na wala silang sintomas ng COVID-19 pero dapat silang sumailalim sa 14 na araw na quarantine bilang bahagi ng pag-iingat.

Nakatakdang ihatid ang mga OFW sa isang resort sa Barangay Matabungkay sa Lian, Batangas, pero ayon sa isa sa mga OFW na pagdating sa Lian, hinarang sila ng mga opisyal ng barangay.

"Around 2:30 in the morning, pasok na kami sa side streets ng Matabungkay, may barikada," sabi ni Welson Chua, hinarang na OFW.

Ayon sa barangay, takot ang ilang residente na may COVID-19 ang ilan sa mga OFW, kahit cleared na sila bago pa bumiyahe pauwi sa Pilipinas.

Makalipas ang ilang oras sa tila stand-off, nagdesisyon ang kanilang convoy na lumipat na lang sa katabing bayan ng Nasugbu, pero hindi rin kaagad sila nakapagpahinga.

"Okay kami sa quarantine. We appreciate that. Sinasagot ng gobyerno ang lahat pero at this moment, ano lahat kami very exhausted and very upset," sabi pa ni Chua.

Ayon sa panlalawigang pamahalaan ng Batangas, nagulat na lang sila na may mga na-stranded sa Nasugbu, at hindi na-coordinate sa kanila.

Ang munisipyo ng Lian, nakakuha lang daw ng memo noong Abril 18 pero wala naman umanong nakasaad na guidelines o detalye hanggang Miyerkoles ng gabi.

Sinisi naman ng OWWA ang kumalat na "fake news" na may COVID-19 na dadalhin sa isang hotel sa Lian. Giit ng ahensiya, hindi ito totoo dahil mahigpit ang medical protocol sa bansang pinanggalingan ng mga OFW.

"Pinahiwatig natin na mga asymptomatic OFWs, mga Persons Under Monitoring silang lahat and wala silang mga sintomas ng COVID-19 kaya dapat bigyan sila ng daan or paraan or tiyansa na magkaroon ng 14-day mandatory quarantine. Mayroon naman ding abiso na naipadala. Pero kung sa tingin nila hindi sapat 'yung abiso at koordinasyon na 'yun ay humihingi rin ako ng paumanhin," sabi ni OWWA Administrator Hans Leo Cacdac.

"Pinulong na ng OWWA ang mga local at barangay officials, at naipaliwanag naman sa kanila na mandato ng IATF na magsagawa ng mandatory quarantine with identified facilities at kailangang bigyan ng daan 'yung pagkadala sa mga OFWs," sabi ni Cacdac.

Pinayagan na rin silang makapasok nitong Huwebes sa Matabungkay matapos ang ilang oras mula nang dumating sa Pilipinas.

Paalala ng DILG na kabilang sa Inter-Agency Task Force, na hindi puwedeng harangin ang mga OFW na papunta sa mandatory quarantine.

Dahil sa krisis na nararanasan ng mundo dulot ng COVID-19, libu-libong OFWs na ang nagsiuwian, at patuloy na umuuwi sa Pilipinas.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News