Darating na umano sa Miyerkules, July 29, ang ilang OFWs sa Al Khobar, Saudi Arabia na napilitang nagbenta ng dugo para may pambili ng pagkain matapos silang mawalan ng trabaho dahil sa COVID-19.

Ayon sa ulat ni Manny Vargas sa Super Radyo dzBB nitong Martes, sinabing galing kay Labor Secretary Silvestre Bello III ang impormasyon na kasama ang pitong OFWs na nagbente ng dugo sa grupo ng mga Pinoy na darating bukas mula sa Saudi Arabia.

 

 

Matatandaan na nag-viral noong nakaraang Hunyo ang video ng naturang mga OFW na nagsabing wala na silang pambili ng makakain kaya napilitan na ang iba sa kanila na magbenta ng dugo.

BASAHIN: Ilang stranded OFWs sa KSA, nagbebenta na ng dugo para may pambili ng pagkain

Gayunman, nagbigay ng pahayag kinalaunan si Bello at sinabing sadyang may mga OFW sa KSA ang nagbebenta umano ng dugo para sa personal nilang pangangailangan dahil ipinapadala nila sa pamilya sa Pilipinas ang buo nilang kita.

BASAHIN: Bello, 'di naniniwalang namumulot ng 'basura' at nagbebenta ng dugo ang stranded OFWs sa KSA para may makain

Pero hindi nagustuhan ng mga OFW ang naturang pahayag ng kalihim na tila pinapalabas umano ni Bello na para sa luho at pang-inom ng alak ang dahilan ng pagbebenta nila ng dugo.

BASAHIN: Mga OFW na nagbenta ng dugo sa KSA para may makain, nasaktan sa pahayag ni Bello
 

Bukod sa pagbebenta ng dugo, ilang OFW rin umano sa Saudi Arabia ang namumulot ng mga itinapon na gulay at prutas para kainin.--FRJ, GMA News