Inahayag ng opisyal ng Philippine Embassy sa Seoul na nasa 78 Pinoy ang tinamaan ng COVID-19 sa South Korea.

Sa televised briefing nitong Miyerkules, sinabi ni Chargè d'Affaires Christian de Jesus, na ang impormasyon tungkol sa mga Pinoy na nagkaroon ng COVID-19 sa South Korean ay nagmula sa mga health authorities ng naturang bansa at maging sa Filipino community.

Karamihan naman umano ng mga tinamaan ng virus ay maituturing na mild cases at gumaling na ang 34 sa kanila.

“Sila ay nasa government medical facilities and health institutions at sila po ay tinututukan at nakikipag-ugnayan ang ating embassy para matugon po at malaman ang kanilang kalagayan,” ayon kay De Jesus.

“At dahil sa pakikipagtulungan po ng pamahalaan ng Korea at ang kanilang magandang medical facilities at medical care, gumagaling naman po ang ating mga kababayan,” dagdag pa ng opisyal.

Sinabi rin ni De Jesus na nagbigay ang pamahalaan ng Pilipinas ng one-time financial assistance na nagkakahalaga ng $200 sa 703 overseas Filipino workers.— FRJ, GMA News