Matapos ipatawag ng Foreign Ministry ng Malaysia ang embahador doon ng Pilipinas dahil sa tweet ni Philippine Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr. tungkol sa Sabah, ipinatawag naman ngayon ni Locsin ang embahador ng Malaysia sa Pilipinas dahil naman sa tweet ng kanilang kalihim.

"I am summoning the Malaysian ambassador," saad ni Locsin sa kaniyang isang tweet.

Iginiit din ng kalihim sa kaniyang post na, "[no] country can tell another what it can and cannot say about what the latter regards as rightfully its own."

 

 

Nitong Miyerkules, ipinatawag ng Malaysian Ministry of Foreign Affairs ang embahador ng Pilipinas sa Malaysia dahil sa tweet ni Locsin na nasasabing hindi bahagi ng Malaysia ang Sabah.

Tinawag ni Malaysian Foreign Minister Hishammuddin Hussein na iresponsable ang post ni Locsin.

“This is an irresponsible statement that affects bilateral ties. @MalaysiaMFA will summon the Philippines Ambassador on Monday to explain. Sabah is, and will always be, part of Malaysia,” sabi ng kalihim ng Malaysia.

Una rito, nagkomento si Locsin sa Twitter post ng US Embassy na nagbibigay ng ayuda sa mga Pinoy na ni-repatriate mula sa Sabah at dinala sa Zamboanga City at Bongao, Tawi-Tawi.

Sa post ng US Embassy, nakasaad ang "Sabah, Malaysia."

 

 

“Sabah is not in Malaysia if you want to have anything to do with the Philippines,” giit ni Locsin.

Matagal nang may territorial dispute ang Pilipinas at Malaysia dahil sa Sabah, na nasa Borneo Island at malapit sa Mindanao.—FRJ, GMA News