Isang 40-anyos na Pinay overseas worker ang aktibong tumutulong ngayon sa mga kapwa niya undocumented OFWs sa United Kingdom sa harap ng nararanasang COVID-19 pandemic.

“Mas marami kasi ang worst. May mga nawalan ng trabaho, meron nagka-COVID ngunit takot humingi ng tulong dahil sa kanilang status,” sabi ni “Anne,” hindi niya tunay na pangalan, at nagboboluntaryong support group sa pagtulong sa mga undocumented OFW sa UK na kagaya niya.

Napag-alaman na nabiktima si Anne ng human trafficking nang magtrabaho siya sa ibang bansa bilang kasambahay.

“Taong 2015 ako nag-abroad sa bansang Qatar. Lingid sa kaalaman ko, hindi totoo ang mga nakasulat sa kontratang pinirmahan ko," kuwento niya.

"Nakasaad kasi doon na isa lang ang anak ng magiging amo ko, na sasahod ako ng QR1,460 monthly, na mayroon akong day-off na isang beses sa isang linggo, at na sila ang bibili ng pagkain ko at iba pang personal na gamit,” patuloy niya.

Pero pagdating sa Qatar, walo ang anak ng kaniyang naging amo at QR1,200 lang ang kaniyang sahod bawat buwan. Wala rin siyang day-off, tira ang kaniyang pagkain, at siya ang bumibili ng mga personal niyang pangangailangan.

“Halos 24 hours on call ang trabaho at sa mga kaunting pagkakamali, lagi ako sinasabihan ng ‘mafi mok’ na ang ibig sabihin ay ‘wala akong utak’ at ‘kelba’ na ang ibig sabihin ay ‘hayop’ ako,” sabi pa ni Anne.

Pero wala raw nagawa si Anne hanggang lumipat sa UK ang kaniyang mga amo at isinama siya noong 2017.

“Wala ako magawa kundi umiyak. Taong 2017, pumunta sila dito sa UK at isinama nila ako bilang katulong ng buong pamilya at dito, naging mas worst ang kalagayan ko,” kuwento pa niya. “Hanggang sa dumating ang point na sinasaktan ako ng amo kong babae dahil sa mga hindi ko natatapos na trabaho. Sinasampal niya ako at sinisipa.”

Tumakas si Anne sa kaniyang amo at kinupkop naman siya ng dayuhan na nakatira malapit din sa bahay ng dati niyang amo.

Inakala ni Anne na magkakaroon na ng pagbabago sa buhay niya pero nagkamali siya nang mamasukan na siya bilang kasambahay sa kumopkop sa kaniya.

“Sa pagtakas ko, pinatira ako sa may next room namin at pinangakuang pasasahurin kung magkano ang ipinasasahod ng dati kong amo dahil may walo rin silang anak. Pero bandang huli, nakita ko sa babae na unti-unti nagiging katulad ang ugali niya ng dati kong amo,” sabi ni Anne.

Sa kabila ng lahat, patuloy pa rin si Anne sa pagtulong sa mga runaway OFWs sa UK, kasama ang Filipino Domestic Workers Association.

Ang FDWA ay bahagi ng Kanlungan Filipino Consortium, na kinikilala ng United Kingdom.

Sinasagip ng grupo ang mga biktima ng human trafficking at modern-day slavery. Nagkakaloob din sila ng psychosocial support, training, at assistance para maayos ang travel documents ng undocumented OFWs.

“Sa kasalukuyan, kasama na ako ng FDWA sa pagkampanya laban sa human trafficking at sa pagtulong sa mga ibang undocumented OFWs. Hindi naman ako natatakot dahil para sa akin, dapat maging fair,” paliwanag niya.

“Gusto ko rin iparating sa mga katulad kong OFW na alamin ang kanilang mga karapatan, magkaroon ng community na kinabibilangan lalo dito sa United Kingdom upang may umalalay sa kanila kapag may problema, at maging active sa community,” dagdag ni Anne.  —FRJ, GMA News