Isang OFW na umuwi sa bansa para magbakasyon at makapiling ang pamilya ang kabilang sa libu-libong OFW na stranded ngayon sa mga quarantine facility habang hinihintay ang resulta ng kanilang COVID-19 test.

Sa ulat ni Maki Pulido sa GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, sinabing dagdag na alalahanin din sa OFW na si Darwin Ramirez ang kawalan ng kasiguraduhan kung saang laboratoryo napunta ang kaniyang specimen o swab sample.

Ayon kay Ramirez, tinawagan nila ang Bureau of Quarantine para alamin ang resulta ng kaniyang COVID-19 test pero hindi raw masagot kung saan laboratoryo ito naipadala.

Ang BoQ ang naglalabas ng COVID-19 test result ng mga OFW, habang ang PhilHealth naman ang sumasagot sa bayad para sa naturang test.

Mula nang itigil ng Philippine Red Cross ang pagproseso nila sa swab specimen ng mga OFW, nagsimula na naman maipon ang resulta ng test.

Itinigil ng PRC ang pagproseso ng sample ng mga OFW dahil sa malaking utang na sa kanila ng PhilHealth na umaabot sa mahigit P900 milyon.

"We feel so helpless talaga. Wala kang matawagan, wala kang matanungan. May mapagtanungan ka man, wala naman maisagot," sabi ni Ramirez.

Pinayagan si Ramirez ng kaniyang kompanya sa Saudi Arabia na magbakasyon sa Pilipinas ng 21 araw. Ngayon, isang linggo na siya sa quarantine facility na kasama na sa bilang ng kaniyang bakasyon.

Bukod sa pagproseso sa swab sample, ang PRC ang kumukuha at nag-e-encode ng specimen ng mga OFW. Pero mula nang tumigil ang PRC, ang Philippine Coast Guard na ang gumagawa ng mga ito at saka nila inihahatid sa iba't iba't laboratoryo.

Ayon sa ulat, wala pang tugon ang PCG kung nai-encode nila ang lahat ng specimen at kung naipadadala nila kaagad sa mga laboratoryo ang mga sample.

Wala pang tugon din ang BoQ tungkol naman sa paghahanap ni Ramirez kung saan laboratoryo napunta ang kaniyang specimen.

Tinatayang hindi bababa sa 1,000 OFW ang sinasabing dumarating sa Pilipinas bawat araw.

Nitong Huwebes, sinabi ng isang opisyal ng Overseas Workers Welfare Administration na umaabot na sa 6,000 OFW ang nakatengga sa mga hotel na ginawang quarantine facility at naghihintay ng kanilang COVID-19 test.

Kailangang malaman ang resulta ng naturang test kung negative sa COVID-19 ang mga OFW bago sila payagang makauwi sa mga probinsiya at makapiling ang kani-kanilang pamilya.

Nangako naman si Pangulong Rodrigo Duterte na babayaran niya ang utang ng PhilHealth sa PRC.--FRJ, GMA News