Nilinaw ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na para lang sa mga bagong matatanggap na healthcare workers ang ipatutupad na 5,000 cap na ipadadala sa ibang bansa sa loob ng isang taon.

“The cap does not cover, of course, the balik-manggagawa. It only covers the new hires, new applicants… The cap is not a permanent thing,” paliwanag ng opisyal sa panayam ng ANC nitong Martes.

Idinagdag ni Bello na pansamantala lang ang ipatutupad na limit para matiyak na may sapat na healthcare workers sa bansa habang mayroon pang COVID-19 pandemic.

Idinagdag ng kalihim na mga health worker na may karanasan ang hanap ng mga employers at hindi mga baguhan.

Nang tanungin kung papaano hahatiin ang 5,000 slots ng mga healthcare worker mula sa iba't ibang medical expertise at posisyon gaya ng duktor at mga nurse, sinabi ni Bello na "first-come, first-served basis" ang paiiralin.

Nauunawaan naman daw ng kalihim ang sintemyento ng mga ibang grupo na maliit kung tutuusin ang 5,000-deployment cap dahil karaniwang umaabot sa 16,000 healthcare workers ang naipadadala sa ibang bansa sa bawat taon, pero kailangan daw itong ipatupad.

Inihayag din ni Bello na imumungkahi ng DOLE na taasan ang sahod ng mga nurse at medical workers na pribadong sektor sa bansa para hindi na sila mangibang-bansa.

May mga malalaking ospital umano na malaki ang kinikita pero maliit naman ang ibinibigay na sahod sa mga healthcare worker.

"Kaya, sinasabihan ko ‘yung mga nurses: Go on strike. Let the people in the hospitals learn the value of your profession,” saad niya.--FRJ, GMA News